ANG NAKAKAIYAK NA KUWENTO NG PAGMAMALASAKIT NG ESTUDYANTE SA KANYANG GURO NA MAY MALUBHANG KARAMDAMAN

RTIA team agad dumayo sa Cebu para personal na maghatid ng tulong kay Teacher Nadia at Marlon na nagpaiyak sa mga netizens

Hindi nagdalawang isip at agad-agad pinabiyahe ni Idol Raffy si Sharee patungong Cebu upang personal na magpaabot ng tulong pinansyal at pangunahing pangangailan sa araw- araw gaya ng isang kabang bigas, pagkain at diaper kay Teacher Nadia Reyes na may stage 4 breast cancer. Pati na rin ang dati niyang estudyante na si Marlon Cortes, Jr. ay pinaabutan din ni Idol Raffy ng tulong pinansyal bilang pasasalamat sa kanyang kabutihan at pagmamalasakit kay Teacher Nadia. Matatandaan na inilapit ni Marlon, isang construction woker, ang kalagayan ng dati niyang guro na hirap na hirap ngayon dahil sa iniinda nitong karamdaman. Hindi lang ang netizens kundi pati si Idol Raffy mismo ang naantig sa kwento ni Marlon at Teacher Nadia dahil sa halip na humingi ng tulong si Marlon para sa kanyang sarili lalo pa’t hirap din siya sa buhay, mas inuna niya pa ang kanyang dating guro na alam niyang mas higit na nangangailangan ng tulong kaysa sa kanya. 

Bukod sa pinansyal na Php 100,000 at mga pagkain sa araw – araw na ibinigay kay Teacher Nadia, pinangakuan din siya ni Idol Raffy na bibigyan ng assistance ng RTIA team upang makamit ang kanyang hiling na mailakad ang kanyang papeles sa GSIS para may makuhang pension kada buwan. 

Nang tanungin ni Sharee si Marlon kung bakit niya naisipan tulungan si Teacher Nadia, ani niya, noong siya ay nasa high school hanggang college, siya ay binibigyan ng baon at tinulungan hanggang sa siya’y makapagtapos dahil hirap din ang kanyang pamilya na masuportahan siya. Kahit siya ay naka-graduate na sa kolehiyo, tinulungan din ni Teacher Nadia ang kapatid ni Marlon nang siya naman ang naging estudyante noong high school. Dagdag pa ng iba pang pa niyang mga naging estudyante na sina Jernilyn Abella, Marie Mie Villanueva at Oliver Malaay, masayahin, mapagkumbaba at matulungin talaga ang nasabing guro. May nakapagsabi din na kapag may estudyante ang hindi na pumapasok sa eskwelahan, pinupuntahan sila mismo ni Teacher Nadia upang kausapin at bumalik sa paaralan dahil para sa kanya, walang estudyante ang dapat mapag-iwanan.

Likas talaga kay Teacher Nadia ang pagiging matulungin hindi lang sa mga estudyante kundi pati maging sa kanyang mga kapwa guro. Bilang Science Coordinator ng Tubod National High School, lagi siya nagmamalasakit sa mga co-teachers at nagbibigay ng coaching sessions para mas gumaling pa sila sa kanilang propesyon. 

Lubos na humanga si Idol Raffy kay Marlon dahil sa kanyang pagtulong nang walang kapalit kay Teacher Nadia. Binigyan din siya ng halagang Php 25,000 upang makatulong sa pang- araw-araw na gastusin dahil si Marlon pala ay ang inaasahang breadwinner ng pamilya.

Saludo ang RTIA team sa iyo, Marlon! Saludo din si Idol Raffy sa iyo, Teacher Nadia. Bumuhos ang tulong sa iyo dahil lubos ka ring nagpamalas ng malasakit at kabutihan sa iyong kapwa kaya hindi nakakapagtaka na ang estudyante mo mismo ang lumapit para ikaw ay suklian ng tulong. Higit pa diyan, malapit talaga sa puso ni Idol Raffy ang mga guro kaya kakaiba ang saya sa tuwing may natutulungan siyang guro. 

Ang two part episodes na ito ay mapapanood sa Raffy Tulfo In Action YouTube Channel na may pamagat na  “NETIZENS, NAIYAK KAY KUYA AT SA DATI NYANG TEACHER” at “RTIA, DUMAYO SA CEBU PARA TULUNGAN ANG TEACHER NA MAY MALUBHANG KARAMDAMAN!”. 

Comments

  1. Teresita Calara April 9, 2021 Reply
  2. IRENE April 10, 2021 Reply
  3. Jessa dagpin April 10, 2021 Reply
  4. Jessa dagpin April 10, 2021 Reply
  5. Jessa dagpin April 10, 2021 Reply
  6. Eddie udin April 11, 2021 Reply
  7. Merlita Sagarino April 11, 2021 Reply
  8. Carolina Tabor April 13, 2021 Reply
    • Carolina Tabor April 13, 2021 Reply
  9. Carolina Tabor April 13, 2021 Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *