Ang panibagong yugto sa buhay ng OFW na tumakas at nagtago sa ilalim ng puno

Isang viral video ng OFW sa Kuwait na humihingi ng saklolo sa kababayan ang nakarating sa Raffy Tulfo In Action na agad naman inaksyunan ni Idol Raffy. Ang nasabing OFW ay nagngangalang Elizabeth Cajes. Sa labis na pagmamalupit sa kanya at sa takot na mapatay ng amo, lakas loob siyang tumakas at tumakbo palayo hanggang sa makakita ng isang puno kung saan siya ay nagtago sa ilalim nito nang magdamagan.

Hindi naging madali ang pagtakas na ginawa ni Elizabeth dahil marami pa ring pagsubok na dinaanan bago siya ay masaklolohan. Habang siya ay tumatakbo palayo, hinarang siya ng dalawang pulis. Siya ay nagmakaawa na dalhin na lang sa pulisya kaysa ibalik sa kaniyang amo. Nahabag ang mga pulis, siya ay pinainom ng tubig at pinatakas muli.

Sa kanyang pinagtataguan, natyempuhan din niya ang isang kababayan na siyang kumuha ng kanyang video na naging viral at umabot sa RTIA. Dahil nga sa naging viral ang nasabing video, may dalawang taxi driver din ang nagpaabot ng tulong sa pamamagitan ng pagsundo sa kanyang kinaroroonan at pagdala sa Philippine Overseas Labor Office o POLO. Dahil sa patuloy na pag gabay ng Diyos, si Elizabeth ay ligtas na nakarating sa POLO.

To the rescue din si Idol Raffy dahil hindi niya hinayaan na makaiwas sa responsibilidad ang ahensya na nagdala kay Elizabeth sa kanyang amo. Kinausap ni Idol Raffy ang ahensya at nangako ang nasabing ahensya na papaimbestigahan nila ang nangyari at makakaaasa din na mababalik kay Elizabeth ang mga sweldo na hindi naibayad sa kanya ng mga dating amo. Dahil din sa tulong ng RTIA, naibigay sa mga anak ni Elizabeth ang kanilang hiling na makauwi nang ligtas ang kanilang ina para makapiling na nila sa Pilipinas.

Dahil ayaw na muli ni Idol Raffy at mga anak na bumalik ng ibang bansa si Elizabeth upang magtrabaho, binigyan din siya ni Idol at ng Seikatsu Inc. ng kabuhayan upang makapag simula ulit at magbagong buhay. Isa na rin siyang official reseller ng Seikatsu Inc.! Kasama sa kabuhayan package ang mga produkto na nagkakahalaga ng Php 25,000 upang panimula. Kung maibenta niya ang lahat ng ito, sa kanyang pagbili ng stocks, may karagdagang 30% discount pa siyang makukuha.

Sinorpresa din ng mga anak si Elizabeth sa pamamagitan ng pagsalubong sa kanya ng mga kapitbahay na ang dala ay puro ngiti at tuwa dahil sa wakas, nakauwi nang ligtas ang kababayan.

Sa bagong yugto sa buhay ni Elizabeth, sana ay unti – unti nang mabura ang takot at trauma dala ng madilim na sinapit sa mga naging amo sa Kuwait. Kahit na labis na paghihirap ang sinapit, hindi pa rin natinag ang pananampalataya ni Elizabeth sa Diyos. Naniniwala siya na ang Diyos ang nagbigay ng mga anghel sa katauhan ng mga kababayan na tumulong sa kanya.

At sa mga netizens na nagtag kay Idol Raffy ng video ni Elizabeth, lahat kayo ay naging instrumento sa kanyang kaligtasan. Patuloy pa rin natin ipanalangin na sana ay wala nang kababayan ang makaranas ng sinapit ni Elizabeth.

Comments

  1. jerone January 26, 2021 Reply
  2. jerone January 26, 2021 Reply
  3. Angelita Sembrano February 17, 2021 Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *