Maaari bang managot ang mga anak na nagpabaya sa kanilang magulang?

Likas sa bawat pamilyang Pilipino ang pagiging mapagmahal sa pamilya lalo na sa kanilang mga magulang. Ngunit, may mga naitatalang kaso pa rin ng mga matatanda na naabandona dahil sa iba’t – ibang kadahilanan gaya na lang na mabigat na responsibilidad at isyu pang pinansyal. Ayon sa isang pag-uulat mula sa Philippine Statistics Survey na may pamagat na “Provision of Care for Filipino Older Persons and Responding to the Needs of Aging Societies”, karamihan sa mga nakakatandang Pilipino lalo na sa mga kababaihan ay mayroong maliliit na ipon at ari-arian lamang kaya sila ay nakadepende pa rin talaga sa kanilang mga anak.

Sa isang episode ng Raffy Tulfo In Action kung saan inireklamo ni Tess Pineda ang kanyang sariling anak na si Raquel Pempengco, ang ina ng sikat na singer na si Jake Zyrus, natunghayan ang kanilang hindi pagkakasunduan dahil sa isyu ‘di umano ng pagpapabaya sa kanya ng anak. Ilan sa mga reklamong nabanggit ang paghagis sa kanya ng bote ng tubig na may yelo, pagpapatulog sa garahe, at iba pang isyu pang pinansyal. Hindi pa nareresolba ang isyung ito at hindi naman napatunayan ang mga nabanggit na reklamo.

Kung sakali na ang pagpapabaya gaya nito ay nangyayari sa mga ibang magulang, maaari ba managot ang kanilang anak?

Mailking sagot na Oo.

Ito ay nakasaad sa Article XV, Sec. 4 ng 1987 Constitution na nagsasabi na, “The family has the duty to care for its elderly members but the State may also do so through just programs of social security.” Nakalagay man na may responsibilidad din ang gobyerno sa mga matatanda, dapat ito ay isang “shared responsibility” kung tawagin ng gobyerno at mga anak ng magulang.

Ayon din sa Article 195 ng Family Code, minamandato din na kasama sa suportang kailangan ibigay sa mga magulang ay mga kasuotan, atensyon lalo na kanilang kalusugan, kabuhayan at tirahan.

Nakakalungkot man aminin na kahit nakalathala na ang mga nabanggit sa ating konstitusyon, patuloy pa rin ang pag dami ng bilang ng mga naaabandonang matatanda.

Dahil dito, muling binuhay ang Senate Bill 29 o Parents Welfare Act of 2019. Ito ay naglalayon na masiguro na may suporta pa ring matatanggap ang mga magulang hanggang sa kanilang pagtanda mula sa kanilang mga anak. Hindi lang ‘yan, kung ito ay maisabatas, magiging criminal offense na ang pag-violate dito.

Laging tandaan na pundasyon natin ang ating pamilya. Responsibilidad natin hindi lang ang ating mga sarili kundi pati ang ating mga magulang. Nararapat lang na hanggang sa kanilang pagtanda, kung kailan sila nagiging mas mahina, mas makakalimutin at mas matampuhin, mas agarang atensyon at pagaruga ang ating ibigay. Atin pa rin silang gabayan, suportahan at mahalin gaya ng ginawa nilang pagpapalaki sa atin. At, huwag na huwag kalimutan ang pag respeto sa kanila na dapat kailanman ay hindi nawala.

Comments

  1. Baldivino Virginia January 31, 2021 Reply
  2. Flordeliza G Yunzal February 1, 2021 Reply
  3. Nilda Caber February 2, 2021 Reply
  4. your web hosting August 28, 2021 Reply
  5. http://bit.ly/3gI6uSo August 31, 2021 Reply
  6. was asmr September 2, 2021 Reply
  7. and asmr September 5, 2021 Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *